Bagama't nakakasawa na pakinggan, lagi pa ring ginagamit ang pagiging mahirap bilang katwiran.
Ang kahirapan ang ginagamit na katwiran ng mga kamag-anak ng mga binitay na Pinoy sa Tsina. Kung hindi man katwiran, ito ang sinisisi bilang ugat na nagtulak sa kanila upang bitbitin ang mga ilegal na droga sa kanilang mga gamit, at suungin ang alam naman nilang mapanganib na misyon. Kamatayan ang kaparusahan sa kanilang mapangahas na pagsugal upang kumita ng malaking pera.
Sa kanilang kamatayan nagising muli ang madla, muling pinukaw ang nasyonalismong nakahimlay sa mga dusang pilit kinukubli ng mga palabas na katulad ng "Willing Willie."
Bagama't araw-araw may namamatay, ang pagtangis ng bayan ay natuon bigla sa tila mala-bayaning pagsasalarawan sa tatlong kung tutuusin ay mga kriminal sa pananaw ng bansang Tsina, at kahit na sa ating bansa ay mga kriminal ding maituturing dahil labag sa batas ang kanilang ginawa.
Pero ang namamayani ay ang pananaw na dapat silang unawain dahil mahirap lang sila. Dapat silang kaawaan dahil mahirap lang sila.
Ang kahirapan ding ito ang siyang ginagamit ni Willie Revillame upang bigyang katwiran ang di-mawaring kalungkutan at luhang umagos sa mukha ni Jan-jan habang ang kanyang inosenteng kamalayan ay tila naging alay sa altar ng panandaliang yaman kapalit ng halagang Php 10,000 sa kanyang pag-indayog sa entablado sa isang malaswang sayaw habang ibinuyo siya ng kanyang tiyahin, kinunsinti na kanyang mga magulang at pinalakpakan ng madlang uhaw sa aliw.
Nakalulungkot isipin. Nakapanlulumo.
Kahirapan ang nagtulak sa ilang kababayan nating pumayag na maging taga-bitbit ng droga at labagin ang batas ng ibang bansa, na ang naging kapalit ay ang kanilang buhay.
Kahirapan ang nagtutulak sa napakaraming kababayan natin na araw-araw pumila sa mga programa sa telebisyon at umaasang mapagbibigyan silang umakyat sa entablado at ilantad ang kanilang mga personal na dalamhati upang maging batis ng pangmadlang aliw at saya. Sa ngalan ng katatawanan ng iba at sa perang mapapanalunan nila, ang itinataya naman nila ay ang kanilang dangal at kahihiyan.
Ngunit nakagagalit malaman na ang kahirapang ito ang siya ring pinagsasamantalahan ng ibang mas angat ang katayuan sa buhay. Pinagsamantalahan ng mga mangangalakal ng ilegal droga ang kahirapan ng napakaraming kababayang handang kumapit sa patalim, kumita lang ng pera upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. At pinagsasamantalahan ng mga mangangalakal ng aliw at saya na kinakatawan ng mga katulad ni Willie Revillame ang kahirapan ng mga taong salat sa pera at rangya, at handang kapalan ang kanilang mga mukha, magmukhang katawa-tawa, at maging tampulan ng katatawanan makakuha lamang ng maliit na halagang magagamit nila upang makatawid sa buhay kahit ilang araw lamang.
At ang higit na nakapanlulumo ay kung papaano isinalarawan ng mass midya ang mga kwento ng tatlong binitay na kababayan sa Tsina, at ng binastos na inosenteng batang si Jan-jan--bilang mga palabas, mga makatotohanang teleserye ng buhay, isang pag-gamit sa dusa at pait bilang mga mayayamang materyal upang maibenta sa isang madlang, masakit mang tanggapin nguni't totoo, nakakukuha ng aliw sa dusa at pait ng ibang tao.
Sa isang bansang pinamamayanihan ng Mara Clara gabi-gabi, hindi nga naman talaga mahirap unawain kung bakit habang umaagos ang luha ni Jan-jan, habang ang kanyang kamusmusan ay naaagnas unti-unti habang siya ay malaswang umiindayog sa entablado, ang madla ay pumalakpak pa at tumawa.
Sa isang bansang pinamamayanihan ng Mara Clara gabi-gabi, hindi nga naman talaga mahirap unawain kung bakit habang umaagos ang luha ni Jan-jan, habang ang kanyang kamusmusan ay naaagnas unti-unti habang siya ay malaswang umiindayog sa entablado, ang madla ay pumalakpak pa at tumawa.